MANILA, Philippines — Patay ang labing-anim miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa ikinasang air strike at assault operation ng militar sa kuta ng mga terorista habang naaresto naman ang isang pinaghihinalaang notoryus na bomb expert at misis nito sa lalawigan ng Maguindanao kamakalawa.
Ayon kay Brig. Gen. Cirilito Sobejana, Commander ng Army’s 6th Infantry Division (ID), dakong alas-5:00 ng umaga nang simulan ng security forces ang assault operation sa kuta ng BIFF sa hangganan ng Pagalungan at SK Pendatun ng lalawigan na tumagal nang halos isang oras.
Sa nasabing operasyon ay napatay ang 16 BIFF habang walo pa ang nasugatan sa mga ito habang tuluyan ring nalansag ang pabrika ng Improvised Explosive Device (IED) ng mga ito at nakarekober din ng mga bomba .
Kinilala naman ni Army’s 33rd Infantry Battalion (IB) Lt Col. Harold Cabunoc ang naaresto na sinasabing isang bomb expert na si Ustadz Anwar Ali, 22, at ang misis nitong si Asnaya Ali, 20, na nakumpiskahan ng isang cal. 50 sniper rifle at isang cal. 5.56 MM M4 carbine.
Samantalang ipinag-utos naman ni Sobejana ang pagpapaigting pa ng operasyon ng tropa ng mga sundalo laban sa BIFF at ipinakordon na rin ang exit points ng mga ito.