RODRIGUEZ, RIZAL , Philippines — Tigok ang isang lasing na lalaki matapos na siya ay malunod nang itulak sa swimming pool ng kanyang kaibigan naganap sa isang resort sa Rodriguez, Rizal, kamakalawa ng hapon. Naisugod pa sa pagamutan ngunit ideneklara ring dead-on-arrival ang biktima na kinilalang si Jonathan Cunanan, nasa hustong gulang, residente ng Dao St., Barangay San Jose, ng nasabing lugar. Nahaharap naman sa kasong homicide ang nagtulak sa biktima sa swimming pool na si Solano Sordilla, na nasa kostudiya na ng Rodriguez Municipal Police Station.
Sa imbestigasyon ng pulisya, nabatid na ang insidente ay naganap dakong alas-2:00 ng hapon sa loob ng Villa Elena Resort sa Rodriguez Rizal. Habang nagkakasiyahan ay nakatuwaan ni Sordilla na biruin at itulak sa swimming pool ang biktima at dahil sa kalasingan ay hindi ito nakaahon at nakalangoy. Kaagad naman itong sinagip ng mga taong naliligo rin sa lugar ngunit wala na itong malay nang maiahon.