NORTH COTABATO , Philippines — Dead-on-arrival sa ospital ang isang lineman habang nasa malubhang kalagayan naman ang dalawa pa nitong kasamahan makaraang makuryente sa ipinapatayong poste para sa linya ng isang telephone company nang sumagi sa kawad ng kuryente sa Zone 2, Purok Liwayway, Barangay San Pablo, Tacurong City sa lalawigan ng Sultan Kudarat, kamakalawa ng umaga. Kinilala ang nasawing biktima na si Michael Malupig, nasa hustong gulang at residente ng Barangay Fatima Uhaw sa General Santos City habang ang mga sugatan ay sina Franco Canino at Jessie Mission na kapwa residente ng Alabel, Saranggani province.
Nangyari ang insidente dakong alas-8:30 ng umaga kung saan habang itinatayo nila ang isang poste nang biglang tumama ito sa main line ng Sultan Kudarat Electric Cooperative (SUKELCO) at hindi nila inaasahan ang mabilis na paggapang ng malakas na boltahe ng kuryente kung saan agad silang tumilapon. Agad naman umanong dinala sa pinakamalapit na ospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival si Malupig.