Ex-army, 2 pang ‘tulak’ utas sa raid

NORTH COTABATO, Philippines — Isang dating sundalo at dalawang iba pa na pawang drug suspect ang napaslang matapos umano silang maki­pagbarilan sa mga pulis na nagsisilbi ng search warrant sa isang bahay sa Poblacion Alabel, Sarangani kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni Alabel Municipal Police Station chief, Sr. Insp. Benjie Ancheta ang mga napatay na sina Edwin Jumowad, isang retiradong sundalo ng Philippine Army; Carlo Esto, 40, at Loklok Villaflor pawang sa nabanggit na lugar.

Sa bisa ng search warrant na pirmado ni Judge Oscar Noel Jr., pinasok ng pinag-isang puwersa ng mga otoridad ang bahay ng mga suspek para hanapin ang itinatagong mga droga at baril. Gayunman, nagpaputok umano si Jumowad kung kaya napilitang gumanti ng putok ang mga pulis na ikinasawi ng tatlo.

Isinugod pa ang tatlo sa Dr. George P. Royeca Hospital sa Gensan subalit pawang idineklarang dead-on-arrival.

Narekober kay Jumowad ang anim na sachet ng hinihinalang shabu at isang Uzi, bagay na itinanggi ng misis nitong si Marilou dahil isang .22 caliber pistol umano ang baril ng asawa.

Show comments