MANILA, Philippines — Hindi pa man halos nakapagsisimula sa kanyang tungkulin bilang bagong halal na barangay kagawad, nasawi ang isang mister matapos siyang tambangan ng hindi pa nakilalang armadong salarin na lulan ng motorsiklo sa bayan ng Mulanay, Quezon nitong Huwebes.
Kinilala ang napatay na biktima na si Felix Moldon, nasa hustong gulang, at nangunguna sa mga nagwaging kagawad sa katatapos na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa kanilang lugar sa Brgy. Sto Niño, Mulanay ng lalawigan.
Sa ulat, sinabi ni Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar, Director ng CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon) Police nangyari ang pananambang sa biktima sa Brgy. Sta Rosa, Mulanay dakong alas-7:45 ng umaga.
Ayon sa imbestigasyon, bigla na lamang sumulpot sa lugar ang salarin na lulan ng motorsiklo at nang matiyempuhan ang biktima na nasa tabi ng highway ay bigla na lamang itong pinagbabaril gamit ang hindi pa natukoy na kalibre ng armas.
Ilang putok ang umalingawngaw kung saan duguang bumulagta ang biktima habang mabilis namang tumakas ang salarin patungo sa hindi pa malamang destinasyon.
Inihayag ni Eleazar na kasalukuyan na nilang iniimbestigahan kung may kinalaman sa katatapos na halalan ang motibo ng pananambang sa biktima.