MANILA, Philippines — Nasawi ang tatlong lalaking sinasabing tulak ng shabu habang labing-anim na iba pa kabilang ang dalawang menor-de-edad ang nadakip ng mga otoridad sa ikinasang panibagong One Time Big Time operation sa iba’t ibang bayan sa lalawigan ng Bulacan matapos ang Barangay at SK Election.
Kinilala ang mga nasawing suspek na si Robin Nogoy, 37, residente ng Brgy. Real De Cacarong sa Pandi, isang alyas “Atong”, at isang alyas “Amang” na kapwa nakatala sa BADAC watchlist.
Kasalukuyan namang nakaditine ang labing-anim pa na nadakip sa naturang operasyon.
Sa unang ulat ni P/C Insp. Manuel De Vera kay Acting Provincial Director P/S Supt. Chito Bersaluna, dakong alas-11:00 ng gabi ay nakipagkita ang suspek na si Nogoy sa poseur buyar na pulis sa Brgy. Masagana, Pandi upang pagbilhan ito ng shabu at habang nag-uusap ay nakahalata na pulis ang kanyang kausap saka tumakas lulan ng traysikel na Honda XRM 155 (8705-TM) at habang lumalayo ay nagawa pang barilin ang humahabol na pulis na nagresulta ng kanyang kamatayan.
Napatay din sa iba pang operasyon ang mga suspek na sina alyas “Amang” sa Brgy. Cut-Cot, Pulilan habang ganito rin ang sinapit ng isa pang suspek na may alyas na “Atong” sa madilim na bahagi ng Brgy. Sta. Cruz sa Guiguinto matapos na kumasa sa pulisya habang inaaresto sa dalawang bayan.
Narekober sa mga nasawi at naarestong mga suspek ang tatlong .38 revolber, mga bala nito,76 na pakete ng shabu, isang traysikel, dalawang motorsiklo, P50,200 marked money, tatlong pakete ng marijuana at iba’t ibang mga drug paraphenalias.