MANILA, Philippines — Bumuo na ang Philippine National Police (PNP) ng Special Investigating Task Group (SITG) upang imbestigahan at resolbahin sa lalong madaling panahon ang kaso ng pagpatay kay dating La Union Congressman Eufranio Eriguel at 2 aides nito at maging sa pananambang kay Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot kamakalawa.
Si Loot, nasa narcolist ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nakaligtas sa ambush kamakalawa ng umaga samantalang si Eriguel at dalawa nitong bodyguard ay namatay matapos paulanan ng bala ng mga armadong kalalakihan habang nagtatalumpati ang dating kongresista sa isang meeting de avance noong Sabado ng gabi sa gaganaping Barangay at Sangguniang Kabataan elections sa Brgy. Capas, Agoo, La Union.
Ayon kay PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde, may dalawang “persons of interest” na ang SITG Eriguel sa pamumuno ni La Union Provincial Director Genaro Sapiera sa naturang kaso base sa mga testigo sa dumalo sa pagtitipon.
Hiniling naman ni Albayalde kay Loot, isang dating police general na makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon ng PNP sa kaso ng pananambang dito na ikinasugat ng kanyang dalawang driver, helper at isang kargador sa Maya Port sa Daanbantayan, Cebu.