Selosong binata, nagbigti

Legazpi City, Albay  , Philippines  — Pinaniniwaalang matinding pagkasiphayong nararamdaman ang nagtulak sa isang 21-anyos na binata na kitilin ang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbibigti sa sarili matapos silang mag-away ng kanyang kasintahan dahil sa paninibugho sa Sitio Basud, Brgy. Poblacion sa bayan ng Pilar, Sorsogon kamakalawa ng madaling araw. Nakabitin at malamig na ang bangkay nang matagpuan ng kanyang tatay na si Ruelo Dooc ang biktima na kinilalang si Joseph Diesta Dooc, kapwa residente ng nasabing barangay.

Sa police report na nakarating sa Camp Gen. Simeon Ola, dakong alas-11:00 ng gabi ay nagpaalam si Joseph sa kanyang ama na pupunta sa extension ng kanilang bahay para pakainin ang mga alagang baboy. Gayunman, dakong alas-3:00 ng madaling araw ay hindi na ito umuwi kaya sinundan ng kanyang tatay at nadiskubreng nakabigti na ang biktima gamit ang nylon cord na itinali sa kanyang leeg at sa kisame ng bahay. Sa salaysay ni Ruelo, posibleng nasaktan nang husto ang kanyang anak makaraang mag-away ng kasintahan dahil sa pagseselos nito.

Show comments