Shabu lab ni-raid sa Batangas

8 katao timbog

MANILA, Philippines — Apat na chemist na Chinese at apat na Pinoy ang naaresto ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) sa sinalakay na malaking shabu laboratory na natuklasan sa loob ng isang farm sa Ibaan Batangas, kahapon ng umaga.

Kinilala ni PDEA Director Aaron Aquino ang mga nadakip na suspek na sina Tiang Baoquan, Gui Zixing, Hong Dy, Xie Jiansheng, pawang mga chemist at Chinese national, gayundin ang mga pinoy na sina Eduadro Lorenzo, Rasalio Cesar, Amancio Gallarde at Nestor Baguio na mga tuahan sa loob ng farm.

Si Jiansheng ay nadakip sa follow-up operation sa Tagaytay City habang ang pito ay naaresto sa loob ng Hinosa Farm.

Ayon kay Aquino, nakatanggap sila ng impormasyon mula Chinese counterparts nila hinggil sa kinaroroonan ng shabu lab na makikita sa loob ng Hinosa Farm sa Barangay Sto. Nino, Ibaan, Batangas.

Ani Aquino, ilang araw na nilang tinatrabaho ang na- tanggap  nilang impormasyon hanggang isagawa nila ang pagsalakay na aktong nagti­timpla ng iba’t-ibang liquid chemical ang mga inarestong chemist.

Sinabi ni Aquino, ito na ang pinakamalaking shabu laboratory na nadis-manttle nila dahil kayang gumawa ng 25-kilo ng droga araw-araw kung hindi nila natuklasan.

May lawak na 1.3 hectar ang Hinosa Farm na may babuyan at manukan sa loob nito upang hindi mapansin ng mga residente na may shabu laboratory sa loob nito.

Drum-drum na liquid che­mical, lutuan, high tech na laboratoryo at iba-ibang sangkap sa paggawa ng droga ang nasamsam ng mga tauhan ng PDEA.

Inihayag ni Aquino, habang isinasagawa nila ang raid sa Hinosa Farm ay may pagsalakay ding isinasagawa ang kanilang mga counterpart sa China na may kaugnayan sa tatlong chemist na naaresto mula sa mainland China.

Ayon sa apat na Pinoy na kasamang naaresto, hindi nila alam na laboratory ng shabu ang gagawin sa lugar ng apat na dayuhan na nadakip na sinasabing tatlong linggo pa lamang silang nangungupahan sa nasabing farm.

Show comments