Tanod grinipuhan, patay

KIDAPAWAN CITY , Philippines  — Hindi na umabot pa nang buhay sa pagamutan ang isang 38-anyos na barangay tanod makaraang undayan ng saksak ng dalawang ‘di natukoy na salarin sa naganap na krimen sa Barangay Poblacion, Arakan, North Cotabato. Kinilala ni PO3 Alexander Gomez, imbestigador ng Arakan PNP ang biktimang idineklarang dead-on-arrival ng mga doktor sa ospital na si Elbert Pueto, may asawa at residente ng nasabing lugar. 

Batay sa imbestigasyon, nangyari ang krimen dakong alas-8:30 ng gabi nitong Sabado kung saan habang nagkukumpuni ang biktima ng bisikleta ng kanyang anak nang biglang sumulpot ang mga suspek. Agad na pinagsasaksak ng dalawang suspek si Pueto na nagtamo ng maraming sugat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan. Mabilis namang isinugod ang biktima sa bahay pagamutan pero di na ito umabot pa nang buhay.  Patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon upang alamin ang motibo sa krimen.

Show comments