NORTH COTABATO, Philippines — Dalawa-katao ang namatay habang 16 naman ang nasugatan makaraang sumabog ng improvised explosive device (IED) sa kasagsagan ng pagsalubong sa Bagong Taon sa kahabaan ng national highway sa Barangay Buenaflor, Tacurong City sa Sultan Kudarat.
Sa police report na nakarating kay P/Supt. Raul Supiter, police director ng Sultan Kudarat, ang inilagay ang IED sa loob ng pedicab na nakaparada sa gilid ng highway bago ang pagsalubong sa Bagong Taon.
Kinilala ang mga namatay na sina Dominador Datahan ng Barangay New Isabela, Tacurong City; at Aladin Laguiab ng Datu Abdullah Sangki, Maguindanao.
Naisugod naman sa Quijano Hospital, Tamondong Hospital at sa Sultan Kudarat Provincial Hospital ang mga biktimang sugatan na sina Gaianagan Amir, 21; Aldillah Nasrodin, 35; Rahib Abdulla, 27, SK Pendatun, Maguidanao; Dalandang Salahudin, 27; Richard Seredica, 44, ng Tacurong City; Baumol Nasrodin, 22; Abdullah Rahib, John Michael Lamis, 19; Rasid Kuntao, 12; Mohidin Lansangan, 21; Sapar Lakim, 28; Alipin Mukalid, 31; Poljay Kitalok, 24; Sahod Mohamad, 34; Datuman Mustapha, 35; Dominador Datahan, Aladin Laguiab, at si Suharto Ali.
Napag-alamang ipinarada ang pedicab sa harap ng Villa Garde KTV Bar sa Barangay Buenaflor kung saan ang mga biktima ay nagkakasayahan sa pagsalubong ng Bagong Taon.
Kasalukuyang iniimbestigahan ang sakay na pasahero ng pedicab ang may dala ng eksplosibo. “It could be a case of premature explosion of an IED,” dagdag pa ng opisyal.