NORTH COTABATO , Philippines — Umaabot sa P100 milyong halaga ng shabu at mga armas ang nasamsam ng mga awtoridad sa magkahiwalay na operasyon sa mga bahay ng supporters ng pamilya Parojinog sa Ozamis City, Misamis Occidental noong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay P/Chief Insp. Jovie Espenido, hepe ng Ozamis City police, ang mga kontrabando ay nakumpiska base sa bisa ng search warrant na ipinalabas ng mababang hukuman.
Isa sa mga suspek na nasakote na sinasabing drug lord ay si Melden Rabanes, pinsan ni Ozamis City Vice Mayor Princess Nova Parojinog.
Ang dalawa pa ay sina Butch Merino, dating driver ng mga Parojinog; Rosielyn Walohan, Melodin Malingin at si Gaudencio Malingin, mga malapit na kamag-anak ng Parojinog clan.
Narekober sa bahay nina Melodin at Gaudencio ang walong kilong shabu na nakalagay sa plastic bags at rolyo ng aluminum foil.
Nasamsam sa bahay ni Michael Parojinog Gumapac ang dalawang kilong shabu sa plastic bag habang sa bahay naman nina Manuelito, Rizalina at June Francisco ay narekober ang M-4 Boost Master, 3 short M-16 magazines, bandolier, 90 piraso ng bala ng M-16, 2 rifle grenade launcher, at 3 bala ng M-203 grenade launcher.
Sa bahay naman ni Ricardo Parojinog ay nasamsam ang M-16 rifle, steel short magazine, 19 na bala ng baril, at hand grenade.
Kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad ang mga suspek na sina Michael Parojinog Gumapac, Manuelito Francisco, Rizalino Francisco, June Francisco, Ricardo Parojinog at si Christopher Parojinog.