TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines - Nagsisigaw ngayon ng katarungan ang mga kaanak ng barangay kagawad at utol nito na napatay sa misencounter ng mga sundalo ng Phil. Army sa Sitio Lumalog, Brgy. Cadsalan sa bayan ng San Mariano, Isabela kamakalawa. ?
Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Reynaldo Garcia, Isabela provincial police director, narekober na ng mga kaanak sa isang punerarya ang mga katawan nina Kagawad Rogelio Mendoza, 61; at Rolito Mendoza, 41, mga nakatira sa Barangay Balyao sa bayan ng Benito Soliven kahapon.
Matatandaan na ini-report ng 86th Army Battalion kay 5th Army Division Commander Maj. Gen. Paul Atal ang pagkamatay ng mag-utol bilang mga rebeldeng NPA sa naganap na enkwentro noong Lunes ng madaling araw.?
Narekober ng militar ang airgun rifle at sumpak sa mag-utol na napatay kasama ang 13 pang rebelde, ayon sa naunang ulat. ?
Samantala, itinanggi naman ni Rodelia Perez na NPA ang mga tiyuhin niyang biktima na sa katotohanan ay nagbabantay lamang ng kanilang plantasyon ng kamoteng kahoy sa encounter site.?
Sinabi ni Perez, nakaugalian ng mag-utol na mangaso ng baboyramo sa kanilang plantasyon na nasa paanan ng bundok Sierra Madre kaya sila napagkamalang rebelde.?
Sinabi rin ni Kagawad Solita Orlanda na hindi mahahalal na opisyal ng barangay si Rogelio kung ito man ay isang rebeldeng nagtatago sa batas.?
Tumanggi naman magbigay ng pahayag ang pamunuan ng 86th Infantry Battalion ng Phil. Army kaugnay sa naganap na kapalpakan ng mga sundalo.