MANILA, Philippines - Bagsak kalaboso ang isang bise alkalde matapos mamaril ng isang sibilyan na nakasagutan nito sa Poblacion, Mabuhay, Zamboanga Sibugay kamakalawa ng gabi. Isinugod sa Mabuhay Rural Health Unit ang biktimang si Noel Bacolod Jr., 19, sanhi ng tinamong tama ng bala sa kanyang kanang balikat. Boluntaryo namang sumuko sa pulisya ang suspek na si Anam Dammang, vice mayor ng Mabuhay matapos ang insidente. Sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, bandang alas-8:30 ng gabi nang makabangga ng alkalde ang biktima na nauwi sa pagtatalo. Nairita ang vice mayor at binaril ang biktima gamit ang hindi pa matukoy na kalibre ng armas.