MANILA, Philippines - Sampung miyembro ng New People’s Army (NPA) at dalawang sundalo ang napaslang habang dalawa pang sundalo ang sugatan makaraang magka-engkuwentro ang kanilang tropa sa Gen. Nakar, Quezon nitong Huwebes.
Sa ulat ni Maj. Gen. Rhoderick Parayno, commander ng Army’s 2nd Infantry Division (ID), mahigit dalawang oras ang itinagal ng bakbakan.
Ang mga nasawing sundalo ay sina Sgt. Nelson Zamora at Sgt Bernard Rosete, pawang ng Army’s 80th Infantry Battalion habang nasugatan sina Sgt . Franklin Peralta at Cpl. Ruben Pauig.
Ayon kay Parayno, nakasagupa ng tropa ng 28th Infantry Battalion at 80th Infantry Battalion (IB) ng Philippine Army ang mahigit 30 rebelde mula sa Narciso Antazo Aramil Command sa Sitio Pahimuan, Brgy. Lumutan, Gen. Nakar bandang alas-2 ng hapon. Nagsasagawa ng combat patrol operations ang tropa ng militar nang masabat ang grupo ng mga rebelde na nangongotong sa komunidad ng mga sibilyan na nauwi sa bakbakan ng magkabilang panig na tumagal ng hanggang alas-4:30 ng hapon.
Narekober sa lugar ang isang grenade rifle, ilang rounds ng mga bala at mga basyo nito na naiwan ng mga nagsitakas na rebelde.