BULACAN , Philippines - Tatlong kalalakihan na sinasabing sangkot sa serye ng holdapan at iba pang krimen ang napatay makaraang makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya habang isinisilbi ang search warrant sa Barangay Piel, bayan ng Baliwag, Bulacan kahapon ng madaling araw.
Kabilang sa napatay ay si Randy Lopez na sinasabig lider ng grupo habang bineberipika pa ang pagkakakilanlan ng dalawa.
Isa sa napatay ay sinasabing may tatlong buwan pa lamang nakalalaya mula sa Bulacan Provincial Jail sa Malolos City.
Ayon sa pulisya, ang grupo ni Lopez ay sangkot sa robbery sa isang construction hardware sa bayan ng San Rafael noong Enero 6, 2017.
Sa ulat na isinumite ni P/Chief Insp. Joseph Pandu Jr, provincial officer ng Bulacan-CIDG kay P/Supt. Edwin Quilates ng CIDG Region-3, tinungo ng pulisya ang bahay ni Lopez sa Purok 3 upang isilbi ang search warrant na ipinalabas ni Judge Sita Jose-Clemente dahil sa arms cache.
Gayunman, habang papasok ang mga operatiba sa bakuran ay biglang pinaputukan ng grupo subalit naging alerto ang pulisya na nauwi sa bakbakan hanggang sa mapatay ang tatlo.
Narekober ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang isang cal.45 pistol, dalawang cal.38 revolver, mga bala, isang plastic sachet ng shabu, mga plastic sachet na may residue ng shabu at iba’t ibang drug paraphernalia.
Nabatid na inireklamo ng mga residente ang grupo dahil sa pagpapaputok ng baril sa ere tuwing mag-iinuman kaya ikinasa ng pulisya ang masusing surveillance at nang makumpirma ang reklamo ay isinilbi ang search warrant na humantong sa shootout. Dagdag ulat ni Joy Cantos