MANILA, Philippines – Nasa 15 truck loads na busara ang nahakot ng mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga pangunahing lansangan sa Metro Maynila pagkatapos ng pagdiriwang ng Bagong Taon na mas nabawasan aniya ito kumpara noong Enero 2016.
Ayon kay Francis Martinez, hepe ng MMDA Metropark Way Clearing Group, simula Disyembre 31, 2016 hanggang Enero 1, 2017, umabot lamang 15 truck loads ang nahakot ng mga street sweepers at clearing teams sa mga major thoroughfares.
Karamihan sa mga basurang nakolekta ay mula sa Luneta Park sa Maynila, palengke ng Baclaran, Parañaque City at sa Balintawak area sa Quezon City.
Nabatid kay Martinez na ang mga nabawasang nahakot na basura ay ang mahigpit na kampanya ng pamahalaan laban sa paputok.
“Waste materials were composed of plastic bags, spoiled fruits and vegetables, leftovers, alcohol bottles, etc. We collected less firecracker wrappers and residues this year,” ayon kay Martinez.
Samantala, balik na sa normal ang sidewalk clearing operations ng MMDA laban sa mga illegal sidewalk vendor sa Metro Manila sa Huwebes (Enero 5).