MANILA, Philippines - Karumal-dumal ang sinapit na kamatayan ng isang mister na kawani ng lokal na pamahalaan ng Baguio makaraang pugutan ng ulo ng hindi pa nakilalang mga salarin sa Upper Quezon Hill, Baguio City kamakalawa.
Sa ulat ng Baguio City Police, narekober ang katawan ng biktimang si Alfred Juquina, 49, na walang ulo matapos na positibong kilalanin ng kanyang pinsan at pamangking babae base sa tattoo nito sa katawan.
Bandang alas-4:57 ng hapon nang makita ang katawan ni Juquina sa isa sa mga kuwarto sa ikatlong palapag ng isang gusali sa 255 Bronze Street, Upper Quezon Hills ng lungsod. Nakaluhod ang katawan at bakas ang pahirap na tinamo ng biktima mula sa kamay ng hindi pa nakilalang mga salarin.
Narekober din sa lugar ang dalawang sachet ng shabu, lighter, isang duguang foil na natagpuan sa ibabaw ng kahoy na lamesa sa loob ng kuwarto kung saan nadiskubre ang pugot na katawan ng biktima.
Samantala, pinaniniwalaang empleyado ni Baguio City Mayor Mauricio Domogan ang ulo na unang natagpuan noong Oktubre 11 sa Kayapa, Nueva Vizcaya kasunod ng pagkakatagpo sa katawan nito sa Upper Quezon Hill noong Miyerkules.?