BATANGAS, Philippines – Inireklamo ng pamunuan ng Department of Foreign Affairs sa Lipa City, Batangas ang pagiging arogante at pagmumura ni municipal Councilor Florencio “Lorenz” Pesigan (LP) sa mga security guard ng ahensya kaugnay sa pagkuha nito ng kanyang pasaporte noong Hulyo 19, 2016.
Sa liham ni DFA Director Jesusa “Nancy” Garcia kay Talisay Mayor Gerry Natanauan, isinalaysay nito ang naganap na insidente sa harapan ng DFA Office sa Lipa City habang kumukuha ng passport ang nasabing opisyal kasama ang ilan pa niyang kababayan.
Hindi umano sinunod ni Pesigan ang procedure at protocol ng DFA tulad ng pagpila sa linya ng mga aplikante at umasa pa itong mabigyan ng special treatment.
“Nagpipilit pa umanong magpasama ni Pesigan sa security guard patungo sa Director’s Office pero hindi pumayag ang duty guard dahil bawal umanong umalis sa kanyang puwesto at sinabihang mag-intay na muna ito sa labas,” dagdag pa ni Garcia.
Gayunman, nagwala si Pesigan at pasigaw na nagmura sa guwardiya at nagpakilalang “konsehal ako.”
Nang magsumbong ang mga sekyu kay Garcia sa umano’y panggugulo ni Pesigan sa harap ng DFA, sinabihan ng opisyal ang kanyang security officer na tumawag ng pulis at ipadampot ang nagwawalang konsehal.
Nang marinig umano ni Pesigan sa two-way radio ang instruction ni Garcia sa kanyang mga security guard, agad umano itong umalis at nagbantang magsusumbong sa kilalang opisyal ng DFA.
Sa ipinadala namang pahayag ni Pesigan, inamin nito na hindi niya nagustuhan ang trato sa kanya ng DFA security guards ng NC Lanting Security Specialist Agency.
Umaasa umano si Pesigan na agad na mairerelease ang kanyang passport dahil nakipag-ugnayan na sya sa DFA-Manila pero nabigo ito.
“Hindi na sana umabot pa sa masamang insidente kung naging magalang at matulungin ang guard on duty,” dagdag ni Pesigan.
Naghain na rin ng reklamo si Pesigan sa PNP Supervisory Office of the Security and Investigation Agencies (PNP-SOSIA) laban sa mga security guard ng DFA.