NUEVA VIZCAYA, Philippines – Umabot na sa siyam na-drug pushers at users ang napatay habang 19,343 naman ang sumuko na may kaugnayan sa drug crackdown sa Cagayan.
Ayon kay P/Supt. Chivalier Iringan, information officer ng Police Regional Office 02, simula Hulyo 1 hanggang Sept. 1, 2016 ay umaabot na sa siyam ang napapatay na tulak-droga habang 19,343 drug personalities na sumuko.
Sa talaan ng pulisya, sa kabuuang 19,343 drug personalities na sumuko ay 7,674 ang nagmula sa Cagayan habang 7,330 naman sa Isabela at 2,329 durugista naman ang sumuko sa Nueva Vizcaya; 795 sa Quirino; 33 sa Batanes at 1,182 mula naman sa Santiago City, Isabela.
Kabilang din sa mga sumuko ay ang 169 opisyal ng lokal na pamahalaan kabilang ang 3 municipal councilors; 46 barangay chairmen; 92 councilmen, 8 barangay police (tanods) at 20 iba pang kawani ng gobyerno sa ibat-ibang lalawigan ng rehyon 02.
Samantala, may kabuuang 183,296 house visitation sa ilalim ng “Oplan Tokhang” habang umabot naman sa 16,689 bagong drug users at 944 pushers naman ang na neutralized ng pulisya habang 303 drug pushers at 121 drug users ang kanilang inaresto.