MANILA, Philippines - Hindi pa man nauupo si incoming President Rodrigo Duterte, sunud-sunod nang nililipol ng mga awtoridad ang mga drug pushers makaraang apat na namang pinaghihinalaang notoryus na “tulak ng droga” na kasapi ng Sumbillo drug syndicate ang napatay sa engkuwentro nang salakayin ng pulisya ang isang drug den sa Norzagaray, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Police Regional Office (PRO) 3 Director P/Chief Supt. Rudy Lacadin ang target ng search warrant na si Michael Sumbillo, nasa drug watchlist ng Norzagaray Police na nasawi sa pagsalakay.
Patay din sa barilan ang mga suspek na sina Reyan Quirante, at dalawang kasamahan na nakilala sa mga alyas na Epoy at Allan.
Samantala, nasakote sa lugar sina Arrian Juaneza, 20; Mary Rose Navo, 19; Rofel Sia, 20 at Josephine Venegas, 41, pawang residente ng Towerville Subdivision, Brgy. Tungkong Mangga, San Jose Del Monte City.
Bandang alas-10:15 ng gabi nitong Huwebes habang isinisilbi ng mga operatiba ng Norzagaray Police ang search warrant sa ilalim ng One Time Big Time (OTBT) operations sa bahay ni Sumbillo na tinukoy na drug den sa nasabing lugar.
Ayon kay Lacadin, papalapit pa lamang ang mga operatiba ay pinaputukan na sila ng grupo ni Sumbillo na nauwi sa engkuwentro sanhi upang bumulagta ang mga suspek.
Narekober mula sa crime scene ang dalawang .38 caliber na baril, sumpak, mga bala, hinihinalang shabu, marijuana, at mga drug paraphernalia.
Una nang nagbanta si Duterte na sa kanyang administrasyon, kanyang papatayin ang mga drug pushers at drug lords na nagiging dahilan ng pagkasira ng buhay ng mamamayan lalo na ang mga kabataan.