CAMP VICENTE LIM, LAGUNA, Philippines – Isang chief accountant ng Bacoor City Hall ang nasawi matapos na pagbabarilin ng isang salarin sa harap ng kanyang tahanan sa Bacoor, Cavite kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Marissa Ramchand, 54 anyos, residente ng Princeton Height, Barangay Mambog
Ayon kay Supt. Ronan Clarabal, hepe ng Bacoor Police, dakong alas-8 ng umaga habang pasakay ng kotse ang biktima nang ratratin ng isang nag-aabang na suspek gamit ang kalibre .45 baril.
Nagpanggap umanong construction worker ang suspek kaya malayang nakapasok sa naturang subdibisyon.
Sa salaysay ng isang saksi, naglakad lang palayo ang suspek na nakasuot ng face mask matapos ang pamamaril at pagpatay sa biktima.
Naisugod pa ang biktima na nagtamo ng isang tama ng punglo sa ulo subalit nasawi rin habang nilalapatan ng lunas sa ospital.
Blangko pa ang awtoridad sa motibo sa krimen at nangangalap na ng kuha ng CCTV sa mga establisyemento at bahay malapit sa pinangyarihan ng krimen.