Lider ng mga karnaper, tiklo

BULACAN, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng 29-anyos na lider ng notor­yus na mga karnaper makaraang masakote sa inilatag na operasyon ng pulisya sa Brgy. San Rafael V, San Jose Del Monte City, Bulacan kahapon ng umaga. Nakatakdang kasuhan ang suspek na si Rolando Padura Jr. ng San Rafael V sa nasabing bayan at lider ng Padura Carnapping Group. Base sa police report na isinumite sa Camp Alejo Santos, sinalakay ng mga operatiba ng pulisya ang ang bahay ng suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Aileen Liza David ng Municipal Trial Court Branch 2. Sa record ng pulisya, si Padura ay sangkot sa serye ng carnapping sa Region-3, Metro Manila, at sa Region 4-A. May nakabinbin ding kasong robbery ang suspek sa sala ni Judge Gorgonio Elarmo Jr. ng Malolos City Regional Trial Court Branch 77 at nakalaya lamang matapos makapagpiyansa.

Show comments