Jailbreak: 5 preso pumuga!

MANILA, Philippines – Limang preso ang tinutugis ngayon ng mga awtoridad makaraag makatakas sa kanilang detention cell sa Mataas na Kahoy Municipal Police Station (MPS) nitong Biyernes ng madaling-araw.

Kinilala ang mga pumugang detainee na sina Nikko Rafael Malaluan, 27, may kasong illegal drugs at illegal possession of firearms and ammunition, direct assault upon an agent of authority; Erwin Kalalo, 32, may kasong rape; Roy Jasper Gonzales, 32, may kasong illegal drugs at magkapatid na sina Marjun Villaluz, 21 at James Villaluz, 15; pawang nahaharap sa kasong robbery.

Sa ulat  ni Batangas Police Provincial Director P/Sr. Supt. Arcadio Ronquillo Jr., naganap  ang pagpuga ng mga preso sa pagitan ng alas-2:30 hanggang alas-4 ng madaling araw.

Ayon sa pulisya, ninakaw umano ng menor-de-edad na Villaluz ang susi ng padlock upang makatakas silang magkapatid at iba pang mga preso matapos namang makalingat ang kanilang mga bantay.

Nagsasagawa na ng manhunt operations ang pulisya ng Mataas na Kahoy kasama ang Special Wea­pons and Tactics (SWAT) team ng Lipa City Police upang maaresto ang mga pugante.

Ipinag-utos na ni Ronquillo sa Provincial Investigation and Detective Management Branch ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon sa kaso upang alamin ang pagkakamali at kapaba­yaan ng hepe ng pulisya na si Ins­pector Daniel de la Cruz  sa ilalim ng command responsibility at PO1 Rico Llanes, duty jailer sa naganap na jailbreak.

Show comments