MANILA, Philippines – Napatay ang deputy warden habang isa namang pulis ang nasa kritikal na kondisyon matapos itong pagbabarilin ng tatlong presong nang-agaw ng baril sa naganap na jailbreak sa Bureau of Jail Management and Penology sa bayan ng Balayan, Batangas kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang biktima na si Senior Jail Officer Leonardo de Castro, deputy warden sa BJMP sa Balayan na idineklarang patay sa Madonna General Hospital matapos mapuruhan sa ulo.
Patuloy na isinasalba ang buhay ni PO3 Rhoderick Botavara Balayan PNP matapos na pagbabarilin din ng tatlong preso na tinangka nitong pigilan.
Sa ulat ni Batangas Provincial PNP Director P/Senior Supt. Arcadio Ronquillo, kinilala ang mga tumatakas na sina Ajie Mendoza, 19; Marvin Cerablo, 22; at si Jessie Pega, 29.
Ayon sa imbestigasyon, naganap ang pagpuga sa BJMP sa Barangay 4 sa nasabing bayan bandang alas-2 ng madaling araw.
Nabatid sa opisyal na nasa 34 preso ang nakapiit sa nasabing himpilan kung saan pinutol ng mga pugante ang rehas na bakal ng selda matapos lagariin.
Agad na nilapitan ng tatlong preso ang nasorpresang si SJO1 de Castro at pinagtulungang agawan ng baril, pinabuksan ang ikalawang padlock saka pinagbabaril sa ulo at kasunod nito ay inutusan naman ang duty lady jailer na si Jail Officer 1 Pilita Colocar na buksan ang huling padlock.
Mabilis na nagtatakbo palabas ng piitan ang tatlong preso na nasalubong naman si PO3 Botavara saka pinaputukan.
Nagawa ring paputukan ni PO3 Botavara ang tatlo pero nabigo itong mapigilan na tuluyang nakapuga matapos na samantalahin ang kadiliman ng gabi.
Nagpapatuloy naman ang manhunt operations laban sa tatlong pumugang preso.