MANILA, Philippines – Isa na namang tower ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang sinabotahe matapos itong sunugin ng mga armadong kalalakihan sa panibagong karahasan sa bayan ng Sultan Kudarat, Maguindanao kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Central Mindanao PNP na isinumite sa Camp Crame, naitala ang pananabotahe dakong alas- 11:40 ng gabi sa Tower 762-B sa Barangay Salimbao.
Ayon sa imbestigasyon, ilang armadong kalalakihan ang namataang umaaligid sa nasabing lugar kung saan kumuha lamang ng tiyempo para isagawa ang pananabotahe.
Binuhusan ng gasolina ang nasabing tower saka sinilaban kung saan maging ang linya ng kuryente ay nahagip ng apoy.
Bunga ng insidente ay nawalan ng supply ng kuryente ang Cotabato City sa Maguindanao at North Cotabato.
Sa tala ng pulisya, sunud-sunod ang pagpapasabog at panununog sa tower ng NGCP kung saan ay isinailalim sa red alert at humingi na rin ng tulong sa security forces.
Pinaniniwalaan namang pangingikil sa pangasiwaan ng NGCP ang isa sa motibo ng mga armadong kalalakihan habang patuloy ang imbestigasyon sa kaso at pagtugis sa sinasabing nasa likod ng pananabotahe na Alkhobar Gang at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.