6-anyos nilamon ng ilog

PAMPANGA, Philippines – Masyadong maaga ang salubong ni kamatayan sa 6-anyos na totoy matapos itong malunod sa ilog sa Barangay Sta. Cruz Pambilog sa bayan ng San Luis, Pampanga kamakalawa ng umaga. Sa police report na isinumite sa Camp Julian Olivas, naglalaro ang biktimang si Joshua Ponce kasama ang dalawang kaibigan malapit sa kanilang bahay nang magtungo sa gilid ng ilog. Habang naghuhugas ng kamay ang biktima ay aksidenteng nadulas at dumiretso sa ilog. Gayon pa man, sinubukang sagipin ng dalawang kalaro subalit unti-unting nilamon ng ilog ang biktima. Narekober ang katawan ng biktima kung saan sinubukang dalhin sa ospital subalit idineklarang patay.

Show comments