MANILA, Philippines – Sa tagal-tagal nang pagtatago ay sa likod ng mga rehas din ang bagsak ng isang miyembro ng Abu Sayyaf na kabilang sa “Sidapan kidnapping” 15 taon na ang nakalilipas.
Kinilala ni Chief Superintendent Miguel Antonio ng Police Regional Office 9 (PRO) ang suspek na si Munap Saimaran alyas “Mentang Abdul Munap” at “Said.”
Nakorner ng mga awtoridad ang suspek malapit sa Zamboanga City Hall sa kahabaan ng Pablo Lorenzo street bandang 4:30 ng hapon.
Nasakote si Saimaran sa bisa ng arrest warrant na inilabas ni Sulu Judge Ernesto Gutierrez para sa kasong kidnapping at serious illegal detention with ransom.
“The arrest of the suspect is part of our continuous and aggressive campaign against the Abu Sayyaf group,” pahayag ni Antonio.
Samantala, nalaman ding may isa pang arrest warrant sa Pasig City Regional Trial Court si Saimaran para sa kasong kidnapping na may 21 counts at serious illegal detention.
Taong 2000 nang lusubin ng Abu Sayyaf ang isang dive resort sa Sipadan, Sabah kung saan 21 katao ang kanilang dinukot, kabilang ang 10 Malaysians, siyam na Europeans at dalawang Pilipino.
Limang buwang itinago ng mga bandido ang mga bihag bago pinakawalan matapos matanggap ang ransom.
Nasa kustodiya ngayon ng Western Mindanao Criminal Investigation and Detection Unit si Saimaran para sa documentation at tactical interrogation.