Pikit, North Cotabato, Philippines – Mahigit dalawang libong katao o katumbas ng 568 pamilya sa dalawang barangay ang nagsilikas nang muling magka-engkuwentro ang dalawang angkan na may matagal nang alitan sa Barangay Rajamuda at Talitay sa bayan ng Pikit, Cotabato kahapon.
Sa report kay P/Supt. Bernard Tayong, spokesperson ng Cotabato Provincial Police Office, dalawang lider ng pamilya ang nagka-engkuwentro na pinamunuan ni kumander Buto Mantol habang pinamunuan naman nina Kumander Mokamad Andoy at Ricky Husain ang isa pang grupo na kapwa mula sa pangkat ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Dahil sa labanan, halos 70 porsyentong mga pamilya sa nabanggit na mga barangay ang nagsilikas na umaabot sa 2,831 indibiduwal matapos na maipit sa karahasan.
Tiniyak naman ni P/Insp. Sindato Karim, hepe ng Pikit Police ang kaligtasan ng mga Internally Displaced Person (IDPs) na pansamantalang nanunuluyan sa Madrasa o Mahad (isang paaralan ng mga Muslim) ang mga evacuees kagaya ng mga Mahad sa Fort Pikit, Bulod at Inug-og.
Ang ibang residente ay pansamantalang nanunuluyan sa kamag-anak nila sa kalapit na barangay.
Bandang alas-9:00 ng umaga kahapon nang humupa ang tensiyon sa nasabing mga lugar.