Chairman dinedo ng tandem

NORTH COTABATO, Philippines – Maagang sinalubong ni kamatayan ang 60-anyos na barangay chairman makaraang ratratin ng riding-in-tandem assassins sa bisinidad ng Barangay Ginatilan, bayan ng Pikit, North Cotabato kahapon ng umaga. Kinilala ni P/Insp. Sindato Karim, hepe ng Pikit PNP ang biktima na si Pecson Alang Mangansakan, may-asawa, ng Barangay Silik sa nasabing bayan. Batay sa ulat ng pulisya, minamaneho ng biktima ang government owned na multicab na may plakang 1201-047307 kasama ang misis na si Marelo Mangansakan nang pagbabarilin sa kahabaan ng provincial road. Isinugod naman sa Cruzado Hospital pero idineklarang patay ang biktima na napuruhan sa dibdib. Narekober sa crime scene ang apat na basyo ng bala ng cal. 45 pistol habang sinisilip naman ang anggulong personal na alitan ang isa sa motibo sa pamamaril.

Show comments