MANILA, Philippines – Anim na miyembro ng breakaway group ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasawi matapos na umatake sa tatlong detachment ng militar sa Maguindanao sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Sinabi ni Captain Jo-Ann Petinglay, Spokesperson ng Army’s 6th Infantry Division (ID), magkakasunod ang isinagawang pag-atake ng BIFF umpisa at bago ang pagsalubong sa Bagong Taon nitong Disyembre 31, 2015 hanggang madaling araw ng Enero 1, 2016.
Ayon kay Petinglay, sinamantala ng mga rebelde na abala ang mga tao sa pagpapaputok nang isagawa ang sorpresang pag-atake.
Gayunman, taliwas sa inaasahan ng BIFF rebels ay nakahanda ang tropa ng militar na gumanti laban sa umaatakeng mga bandido.
Kabilang naman sa inatakeng BIFF ay ang military detachment sa Datu Piang, Maguindanao kung saan gumamit ang mga ito ng M204 grenade launcher kung saan tumama ito may 50 metro sa Kaungan detachment ng Mechanized Infantry Company ng Philippine Army.
Samantala, dakong alas-9:30 ng gabi bago ang pagsalubong sa pagpapalit ng taon ay tinatayang mahigit 30 BIFF ang nang-harass sa Timbangan detachment ng Army’s 34th Infantry Battalion (IB) sa Brgy. Timbangan, Shariff Aguak, Maguindanao.
Matapos ay sumunod namang inatake ng mga bandido ang Lintangan detachment ng Army’s 40th Infantry Battalion sa Brgy. Lintangan, Shariff Saydona Mustapha, Maguindanao.
Noong bisperas ng Pasko ay nauna nang naglunsad ng serye ng pag-atake ang BIFF laban sa komunidad ng mga sibilyan sa Maguindanao, Sultan Kudarat at North Cotabato na ikinasawi ng 6 sibilyan na magsasaka at 2 sundalo.