TUGUEGARAO CITY, Philippines – Limang katao ang sumalubong kay kamatayan sa naganap na landslides at flashfloods na nanalasa sa kasagsagan ng bagyong “Nona” sa liblib na kabundukang bayan ng Alfonso Castañeda, Nueva Vizcaya kamakalawa. ?
Kinilala ni Cagayan Valley Police Director Chief Supt. Rainer Idio ang mga nahango matapos matabunan ng gumuhong lupa sa Barangay Lublub ay sina Mario Mislan at ang mag-iinang sina Angela Pundo, 30, Jian Pundo, 8 at Jennylyn Pundo, 4.?
Ayon kay Idio, pinaniniwalaang may dalawa pang natabunan ng putik sa lugar nang maganap ang pagguho dakong alas-6:30 ng gabi kung kaya patuloy pa ang isinasagawang search and retreival operations sa lugar.?
Sa kalapit na barangay ng Abuyo, narekober ang bangkay ni Manny Cajucom matapos tangayin ng dumadagundong na flash floods sa lugar dulot ng walang hintong pag ulan sa kabundukan.?
Ayon naman kay Ifugao Police Director Sr. Supt John Colinio, sa Alfonso Lista, Ifugao ay patuloy namang hinahanap ang nawawalang lolo na si Lino Bunag matapos tangayin ng lumaking ilog sa Barangay Caragasan sa kalakasan ng ulan dulot ng bagyo. Raymund Catindig/Victor Martin