MANILA, Philippines – Dalawa-katao na sinasabing miyembro ng gun running syndicate ang napatay matapos makipagbarilan sa mga operatiba ng pulisya sa sinalakay na hideout ng grupo sa Barangay Poblacion, bayan ng Talusan, Zamboanga Sibugay kamakalawa.
Sa ulat P/Chief Supt. Miguel Antonio Jr. na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang mga napatay na sina Edris Mohamad at Basilisa Llanos na kapwa target sa search warrant na inisyu ng korte habang sugatan naman si PO2 Noriel Laureta ng raiding team at ilang sibilyan kabilang ang dalawang menor-de-edad.
Bandang alas-3:50 ng madaling araw nang salakayin ng mga operatiba ng Provincial Public Safety Company ang hideout ng mga suspek sa nasabing barangay.
Nasakote naman ang isa pang suspek na si Noel Llanos habang nasamsam naman ang anim na matataas na kalibre ng armas kabilang ang AK-47 rifle, M4 assault rifle at cal. 45 pistol.
“The raid was part of One Time Big Time operations launched against criminal gangs and wanted persons under the Lambat-Sibat anti- crime strategy,”pahayag ng opisyal.