Ama itinumba sa harap ng mag-ina

MANILA, Philippines – Pinabulagta sa harapan ng kaniyang mag-ina ang 38-anyos na ama matapos itong pagbabarilin ng mga hindi kilalang lalaki sa naganap na karahasan sa bisinidad ng Malunggay Drive sa Barangay Sta Barbara, Zamboanga City sa Zamboanga del Sur kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni P/Chief Inspector Rogelio Alabata, PNP regional spokesman na isinumite sa Camp Crame, kasama ng biktimang si Joemar Jawadin ang kaniyang misis at 3-anyos na anak na babae nang magtungo sa bahay ng kanilang tiyahin upang bisitahin ang tatay na namatay na kararating lamang mula sa bayan ng Jolo, Sulu.

Gayon pa man, biglang sumulpot ang gunman mula sa pagkukubli sa bahay ni Benhajar Alan na may 15-metro ang layo sa bahay ng tiyahin ng biktima.

Nasa layong 2-metro sa kaniyang asawa at anak ay lumapit pa ang suspek saka pinagbabaril ang biktima hanggang sa duguang bumulagta.

Agad namang tumakas ang gunman na nakasuot ng  dilaw na t-shirt , katamtaman ang pangangatawan at nasa 5’4 ang taas patu­ngo sa hindi pa malamang destinasyon.

Narekober sa crime scene ang mga basyo ng bala ng cal. 45 pistol habang patuloy naman ang imbestigasyon.

Show comments