NORTH COTABATO, Philippines – Dalawa-katao ang napatay habang lima naman ang nasugatan makaraang salakayin ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang bayan ng Lake Sebu sa South Cotabato kamakalawa ng gabi.
Sa ulat na nakarating kay P/Chief Insp. Joven Bagaygay, hepe ng Lake Sebu PNP, bago naganap ang insidente ay nakipagbakbakan muna ang mga rebelde sa grupo ng mga barangay tanod sa Sitio Lamsuging, Barangay Lamfugon sa nasabing bayan.
Gayon pa man, naubusan ng bala ang mga barangay tanod kaya nakapasok ang NPA rebs kung saan sinunog ang mga heavy equipment ng Gemma Construction.
Matapos ang panununog, tinungo naman ng mga rebelde ang gusali ng San Miguel Energy Corporation sa Barangay Ned kung saan dalawa-katao ang pinatay kabilang ang security guard na si Oka Diwasim.
Isa sa sinisilip ng pulisya na motibo ng NPA ay panghihingi ng revolutionary tax at ang nalalapit na anibersaryo ng Communist Party of the Philippines (CCP)-NPA sa Disyembre 26, 2015.