CAVITE, Philippines – Hinihikayat ng mga opisyal ng local na pamahalaan ng General Trias, Cavite sa pamumuno nina Mayor Antonio “Ony” Ferrer at Cavite 6th District Rep. Luis “Jon Jon” Ferrer IV na makilahok ang mga residente sa gaganaping plebisito ng cityhood sa Sabado (December 12) sa ganap na ala-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
“Ang mga nakarehistrong botante na hanggang Hulyo 20, 2015 lamang ang makapagpartisipa sa nasabing pagboto,” pahayag ni General Trias Election Officer Atty. Armando Vencilao na may superbisyon ni Cavite Provincial Election Supervisor Juanito Ravanzo Jr.
Nagpatawag na rin ang Team GenTri ni Mayor Ferrer para sa “Yes to Cityhood” sa mga opisyal ng munisipyo kabilang ang 33 barangay chairmen, kagawad, women’s sector, senior citizens, youth sectors, NGO’s at business sectors.
Sumuporta rin sina Governor Juanito Victor “Jonvic” Remulla, Jr., Vice Governor Ramon “Jolo” Revilla III at ex-Metro Manila Development Authority (MMDA) Chairman and Senatoriable bet na si Francis Tolentino.
Ang plebisito ang huling requirement para maging ganap na lungsod ang nasabing bayan.
Kailangan manaig ang “Yes Vote” para tuluyang maging lungsod ang GenTri na nilagdaan ni President Benigno “Pnoy” Aquino III, bilang Republic Act 10675 (Charter of the City of General Trias) noong August 19, 2015.
Kapag pumabor ang ‘Yes’, ang bayan ng General Trias ay magiging ikapitong lungsod sa Cavite at ika-145th sa buong bansa.
“Kapag ang ating bayan ay naging ganap na lungsod, malaking benepisyo po para sa mga Gentrisenos, dagdag na pondo po para sa atin na magagamit natin sa dagdag basic services at infrastructures, makakapagpatayo na po tayo ng sarili nating district hospital at city college para sa mga kababayan nating mag-aaral sa kolehiyo,” pahayag ni Mayor Ferrer