QUEZON, Philippines – Kulungan ang binagsakan ng magka-live-in matapos makumpiskahan ng droga at baril sa isinagawang operasyon ng pulisya sa Barangay Canda Ibaba, bayan ng Lopez, Quezon kamakalawa ng umaga. Sa ulat na nakarating kay P/Chief Insp. Edzel Canals, hepe ng Lopez PNP, nakilala ang mga suspek na sina Rico “Ricky” Grueso, 46; at Rosalia Macasinag, 44, kapwa nakatira sa nasabing barangay. Armado ng search warrant na inisyu ni Judge Chona Pulgar-Navarro ng Gumaca Regional Trial Court Branch 61 sa Quezon ang mga awtoridad nang masakote ang mga suspek sa kanilang bahay dakong alas-10:30 ng umaga. Nasamsam sa mga suspek ang 4-plastic sachet na shabu, cal. 32, 82-bala ng baril at dalawang magazine ng M-16 Armalite rifle.