MANILA, Philippines – Nasagip ng mga operatiba ng pulisya ang dalawang pawikan na nalambat ng mga mangingisda sa karagatan ng Barangay Sanito sa bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay noong Biyernes ng umaga.
Sa ulat ni P/Chief Insp. Rogelio Alabata, PNP regional spokesman na isinumite sa Camp Crame, bandang alas-10:58 ng umaga ng masagip ang mga pawikan na sinasabing kakatayin at ipagbibili ang karne.
Nabigo namang maaresto ng pulisya ang mga mangingisdang nasa likod ng paghuli ng mga pawikan na bawal kunin sa dagat dahil itinuturing itong ‘endangered species’.
Kaagad nagsagawa ng rescue operation ang pinagsanib na elemento ng 902nd Maritime Police sa pamumuno ni P/Insp. Eurem Jay Macasil, Ipil PNP at Zamboanga Sibugay Police Provincial Office kasama ang mga Bantay Dagat ng Ipil matapos makatanggap ng ulat sa nalambat na pawikan sa nasabing karagatan.
“The two green sea turtles were successfully rescue by the above stated teams and examined, documented and tagged by Ipil Municipal Environment Office and DENR-PENRO (Provincial Environment Regional Office) before it was safely released back to the seaport area, Barangay Magdaup, Ipil,” pahayag ni Alabata.