‘Tulak’ timbog sa drug bust

BULACAN, Philippines – Kalaboso ang isang babaeng negosyante na nasa drug watch list habang nakatakas ang ama nito na umano’y notoryus na tulak ng shabu matapos na salakayin ng pulisya ang kanilang mga bahay sa Brgy. Lambakin, Marilao, lalawigang ito kahapon. Naka-detine ang suspek na si Maribel “Mariz” Melendrez, 27, habang tinutugis ang amang si Marieto “Mar” Melendrez, 45, pawang sa Northville 4, Brgy. Lambakin, Marilao. Sa ulat ni P/Supt. Lailene Amparo, dakong alas-2:40 ng hapon nang i-raid ng mga elemento ng Provincial Public Safety Company na armado ng search warrant na ipinalabas ni Judge Celso Baguio ng RTC Br. 34 sa Gapan City, Nueva Ecija ang dalawang bahay ng mag-ama. Habang pinapasok ng mga pulis ang bahay ni Mariz, nakatunog ang ama nitong si Mar na kalapit bahay lamang sanhi upang lumusot sa bubong ng kanyang bahay at tumakas. Narekober sa lugar ang 16 pakete ng shabu na may P20,000 halaga, tatlong pakete ng marijuana at iba’t ibang drug paraphernalias.

Show comments