4 bata naabo sa sunog

MANILA, Philippines – Apat na menor-de- edad ang namatay makaraang masunog ang dalawang bahay sa bayan ng Nueva Valencia, Guimaras kahapon ng madaling araw. Sa inisyal impormasyon ng Police Regional Office 6 Tactical Operation Center na isinumite sa Camp Crame, ang mga biktima ay mga menor de edad na nadamay sa nasunog na dalawang bahay sa Barangay Poblacion. Ayon kay PO2 Geovani Casanova, desk officer ng RTOC, base sa natanggap na impormasyon, naganap ang insidente bandang alas-12:20 ng madaling araw. Nabatid na dalawang bahay na pag-aari nina Emma Genanda at Remedios Cabagting na mga gawa sa light materials ang nasunog kung saan ang mga biktima ay natutulog. Hindi naman kaagad makaresponde ang mga pamatay sunog dahil sa bulubundukin ito kung saan hindi agad makakuha ng impormasyon kaugnay sa pagkakakilanlan ng mga biktima.

Show comments