Shootout: Pulis, 2 kasapi ng kulto, dedo

Kinilala ang mga napatay na sina PO3 Dionelio  Jurbina, 54; Lito Tillo Gumalon, 43, ng Talisay City; at si King Siroy Porgatorio Lucifer, 41, ng Argao, Cebu. STAR/File photo

MANILA, Philippines – Isang pulis at dalawang kasapi ng sinasabing kilabot na kulto ang napaslang matapos ang madugong shootout sa bahagi ng Barangay Binungkalan sa bayan ng Catmon, Cebu noong Miyerkules ng gabi.

Kinilala ang mga napatay na sina PO3 Dionelio  Jurbina, 54; Lito Tillo Gumalon, 43, ng Talisay City; at si King Siroy Porgatorio Lucifer, 41, ng Argao, Cebu.

Si PO3 Jurbina ay napuruhan sa kanang sentido at hindi na umabot ng buhay sa ospital.

Sugatan naman ang dalawang pulis sina SP02 Rex Menchavez at PO2 Aaron Benjamin Arizo.

Arestado naman ang da­lawang miyembro ng kulto na sina Andrew Abaigar Ocasia at Tomas Bracero.

Sa ulat ng Cebu PNP na isinumite sa Camp Crame, dakong alas-7:45 ng gabi nang rumesponde ang mga operatiba ng pulisya kaugnay sa presensya ng grupo ng kulto na nagre-recruit ng mga kabataan sa Brgy. Binungkalan, Catmon.

Gayon pa man, papasok pa lamang ang pulisya nang paputukan ng mga armadong miyembro ng kulto na nauwi sa shootout.

Sa kasagsagan ng putukan ay bumulagta si PO3 Jurbina at dalawang miyembro ng kulto habang mabilis namang nagsitakas ang ibang kulto matapos mamataan ang reinforcement  operatives ng pulisya.

Show comments