MANILA, Philippines – Sinalakay ng mga rebeldeng New People’s Army ang itinatayong school project na sinasabing donasyon ni Sarangani Rep. Manny “Pacman” Pacquiao sa Barangay Upper Suyan, bayan ng Malapatan, Saranggani kamakalawa. Sa pahayag ni Captain Rhyan Batchar, spokesman ng Army’s 10th Infantry Division, naganap ang pag-atake dakong alas-11 ng umaga ng school construction project sa Sitio Akbual. Nabatid na abala sa pagtatayo ng eskuwelahan ang Army’s 73rd Infantry Battalion at 512th Engineering Battalion nang sumalakay ang mga rebeldeng NPA Guerilla Front 71 na namumugad sa lalawigan. Agad namang dumipensa ang mga sundalo kung saan nakasagupa ang mga rebelde na tumagal ng may 20-minuto.Gayon pa man, mabilis na nagsitakas ang grupo ng NPA bitbit ang mga sugatang kasamahan habang wala namang nasugatan sa panig ng militar. Ang nasabing school construction project ay binabantayan ng Army’s 73rd Infantry Battalion na nagsasagawa na ng pagtugis laban sa nagsitakas na mga rebelde.