QUEZON, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng anim na drug pushers makaraang masakote ng mga operatiba ng pulisya sa drug bust operation sa dalawang barangay sa bayan ng Sariaya, Quezon, kamakalawa. Sa police report na isinumite kay P/Senior Supt. Harold Depositar, hepe ng Sariaya PNP, unang isinagawa ang operasyon sa Barangay Tumbaga 1 kung saan nasakote sina Rommar Catapang, 28; at Allan Zara, 32, na nasamsam ang 0.23 gramo ng shabu. Inilatag naman ang ikalawang operasyon sa Barangay Poblacion 3 kung saan naaresto ang mga suspek na sina George Mederaque ng Barangay Mamala 1; Jonathan Jalla ng Barangay Ransohan; at si Ramil Marquez ng Kanlurang Mayo sa Lucena City. Nasamsam sa mga suspek ang 8.07 gramo ng shabu. Naaresto rin ang suspek na si Raymund Quejano sa Barangay Mamala 1 kung saan nasamsam ang P65,000 halaga ng shabu.