Dalagitang sex slave, nasagip sa Cavite

Sa pahayag ni PNP-CIDG Director P/Chief Supt. Victor Deona, kinilala ang biktimang itinago sa pa­ngalang Melissa na 4th year high school student at tubong Batan, Aklan. Philstar.com/File

MANILA, Philippines – Nagwakas ang kalbaryo ng 16-anyos na dalagita na dalawang buwang sex slave matapos itong mai­ligtas ng mga operatiba ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group sa Barangay Cabuco, Trece Martirez City, Cavite kamakalawa.

Sa pahayag ni PNP-CIDG Director P/Chief Supt. Victor Deona, kinilala ang biktimang itinago sa pa­ngalang Melissa na 4th year high school student at tubong Batan, Aklan.

Pinaghahanap naman ang suspek na si Joel Garcia, 27, kawani ng Globe Telecom.

Base sa ulat na isi­numite ni P/Supt. Arthur Bisnar, hepe ng CIDG regional, ang biktima ay binihag ng suspek noong Agosto 2015.

Sinasabing nakipagkaibigan muna ang suspek sa biktima na pinangakuan nito na ipapasok ng trabaho pero sa halip na tulungan ay idinitine ito sa kuwarto at ginawang sex slave sa loob ng dalawang buwan.

Inihayag pa ng opisyal na pinangakuan din ng kasal ang dalagita sa kabila ng kasal na ito at bukod dito ay may dalawa pang babaeng naanakan ang suspek.

Nabatid na ang rescue operation ay inilatag matapos na humingi ng tulong ang ina ng biktima na bumiyahe pa mula Aklan patungo sa Cavite.

Show comments