LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Masyadong maaga ang salubong ni kamatayan sa tatlong mag-uutol matapos itong malason sa kinaing pritong karne ng pawikan kamakalawa ng umaga sa Barangay Liang, bayan ng Irosin, Sorsogon.
Kinilala ang mga namatay na sina Juvelyn Alon, 1; Jacob Alon, 3; at si Jose Bernando Alon, 5, mga nakatira sa nasabing lugar.
Sa police report na nakarating sa Camp Simeon Ola, nakabili ng karne ng pawikan ang mag-asawang Pio at Theresa Alon sa naglalakong si Norman Gacias.
Magkakasabay na nananghalian ang pamilya Alon sa nilutong karne ng pawikan kung saan unang nakaramdam ng pananakit ng tiyan at pagsusuka si Juvelyn kaya isinugod sa Irosin District Hospital subalit hindi na ito umabot ng buhay.
Isinugod din Sorsogon Provincial Hospital sina Jacob at Jose matapos makaranas ng pananakit ng tiyan at pagkahilo subalit hindi na rin umabot ng buhay.
Sa pagsusuri ni Dra. Maxima Gonzales, kontaminadong karne ng pawikan ang nakalason sa mga biktima habang pinag-aaralan naman ng pulisya ang pananagutan ni Gacias na nagbenta ng karne ng pawikan sa pamilya Alon.