ANTIPAS, North Cotabato, Philippines – Patay ang isang barangay kagawad makaraang pagbabarilin ng di pa nakilalang suspek sa Brgy. Camutan, Antipas, North Cotabato kahapon ng umaga.
Kinilala ni PCI Bernard Tayong, CPPO Spokesperson ang biktima na si Brgy. Kagawad Arnold Delgado Bazar, 42-anyos, may-asawa at residente ng nasabing lugar.
Batay sa ulat, dakong alas-7 ng umaga habang nasa labas ng kanilang bahay ang biktima at nagpapakain ng kanyang panabong na manok nang pagbabarilin ng di pa nakilalang suspek na nakapuwesto sa bahay ng kanilang kapitbahay na si Melanie Baliguian Gomez.
Nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima na naging dahilan ng agara nitong kamatayan.
Mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang pamamaril.
Natamaan naman ng ligaw na bala ang mga biktimang sina Richard Suarez Timbang Jr., 12-anyos, Ronald Teodoro, 30-anyos kapwa residente ng bayan ng Antipas na mabilis na isinugod sa Antipas Medical Hospital.
Patuloy na tinutugis ng pulisya at sundalo ang suspek.