MANILA, Philippines - Pinalaya na ng mga teroristang Abu Sayyaf Group ang dinukot na finance officer ng mining company matapos itong abandonahin sa kagubatan ng Sulu noong Martes ng gabi.
Kinilala ni Captain Anthony Bulao, spokesman ng AFP-Joint Task Group Sulu ang biktima na si Priscillano Garcia.
Si Garcia ay binihag ng Sayyaf sa Beachside Inn Hotel and Restaurant sa Barangay Sowang Kagang sa bayan ng Bongao, Tawi-Tawi noong Abril 3, 2015 kung saan itinago ito sa Sulu.
Bandang alas-8:40 ng gabi nang pawalan ang bihag na inabandona sa bayan ng Indanan kung saan narekober naman ng militar sa pantalan ng Jolo, Sulu.
Ayon kay Bulao, na-pressure ang Abu Sayyaf sa pinalakas na military operations partikular na sa bayan ng Indanan at Patikul kaya napilitang abandonahin ang bihag.
Agad namang isinugod sa Kuta Heneral Teofilo Bautista Hospital si Garcia at isinailalim sa medical checkup at stress de briefing kaugnay ng trauma na sinapit nito sa ilang buwang pananatiling bihag ng Sayyaf.
Nagpapatuloy naman ang military pressure sa grupo ng Abu Sayyaf upang mapilitang palayain ang mga nalalabi pang mga bihag.