MANILA, Philippines - Dalawang sundalo ang nasawi noon din makaraang pagbabarilin ng mga armadong kalalakihan na pinaghihinalaang miyembro ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa naganap na ambush sa highway ng Brgy. Calantas, Calaca, Batangas kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Pfc. Jay Lozano, 29, ng Marcos, Ilocos Norte at Pfc. Ferri Jan Gabica, 26, ng Kapatagan, Lanao del Norte na kapwa miyembro ng Philippine Army na nakalataga sa DMCI, Brgy. Dacanlao, Calaca, Batangas.
Ayon kay AFP-Southern Luzon Command Spokesman Major Angelo Guzman, dakong alas-6:30 ng gabi ay lulan ang dalawang sundalo ng Yamaha sniper motorcycle (5433TD) at bumabagtas sa nasabing lugar nang tambangan ng mga armadong kalalakihan na nakaposisyon sa tabi ng highway at nagtago sa damuhan.
Kapwa tumilapon sa motorsiklo ang dalawang sundalo na kapwa agad binawian ng buhay sa insidente.
Kinondena naman ni AFP Southern Luzon Command Chief Lt. Gen. Ricardo Visaya ang insidente dahilan sa wala sa combat operation ang dalawang sundalo.