MANILA, Philippines - Ibinunyag ng isang security officer na isang lawless group ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na aktibong kumikilos sa Western Mindanao at sangkot sa iba’t ibang uri ng krimen kabilang ang kidnap for ransom ang nasa likod ng pagdukot kay dating Italian priest at negosyanteng si Rolando del Torcio sa Dipolog, Zamboanga del Norte noong Miyerkules ng gabi.
Tinukoy ng officer na ayaw magpabanggit ng pangalan ang grupo ni Saher Muloc alyas Commander Red Eye, lider ng Muloc Group na ang mga tauhan ay dating Moro National Liberation Front (MNLF) fighters at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na kumidnap kay Del Torcio. Tumatayo ring commander si Red Eye ng Provincial Police Force ng 113th Base Command ng MILF.
Ang grupo ni Red Eye na inuugnay sa Abu Sayyaf Group ay kabilang umano sa lawless groups na nag-ooperate sa Zamboanga Peninsula at iba pang lalawigan ng Western Mindanao at sangkot sa kidnapping for ransom, extortion at iba pang illegal money-making schemes. Ang anak ni Red Eye na si Julmin Muloc ay sangkot umano sa drug trafficking.
Ang mag-ama ay nakilala sa CCTV footage ng UrChoice pizza parlor ni Del Torcio na kabilang sa 11 armadong lalaki na bumihag sa negosyante sa loob ng establisyemento nito sa Dipolog City noong Miyerkules ng gabi.