MANILA, Philippines – Napaaga ang salubong ni kamatayan sa 63-anyos na beteranong abogado matapos itong pagbabarilin ng kanyang kasama sa loob ng SUV sa Barangay Casisang, Malaybalay City sa Bukidnon kamakalawa ng umaga.
Sa ulat ni PNP regional spokesman P/Chief Inspector Democrito Asiong na isinumite sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si Atty. Pepito Suello.
Napuruhan sa likuran at kanang sentido ang biktima kung saan namatay habang ginagamot sa Polymedic General Hospital.
Sa imbestigasyon, lumilitaw na minamaneho ng biktima ang Hyundai Santa Fe kasama sina Atty. Alvy Damasco at Alfredo Sese patungo sa Regional Trial Court Branch 9 sa Malaybalay City nang ratratin pagsapit sa bisinidad ng Phase 3 sa National Housing Authority bandang alas-8:30 ng umaga.
Narekober sa loob ng SUV ng biktima ang pitong cartridge ng cal. 9mm pistol, isang nadepormang bala, at cal. 380 na may limang bala.
Nadiskubre naman ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives sa pamumuno ni P/Chief Inspector Ellen Avanzado ang dalawang butas sa drivers seat at isa sa kaliwang pintuan ng SUV.
Boluntaryong nagpa-paraffin test si Damasco habang pinaghahanap naman ang isa sa kasama ng biktima na si Sese na sinasabing pangunahing suspek sa krimen.
Kasalukuyang bumuo na ng Special Investigation Task Group Suello ang pulisya upang resolbahin ang naganap na pamamaril.